Juday bawal makipaghalikan sa TV
Loren inokray ang pagpasok sa PBB house
SULIT ang paghihintay ng loyalistang fans ni Judy Ann Santos dahil maipapalabas na ang bagong teleserye ng aktres, ang three years in the making nga na Habang May Buhay. Sa trailer pa lang na napapanood natin sa ABS-CBN ay sure kaming susubaybayan ito ng mga taong naka-miss sa batang superstar.
Kilala rin si Juday na kapag nakasama niya sa isang project ang isang baguhang artista ay sumisikat talaga o kaya'y nagkakaroon ng maraming projects tulad nga ng nangyari kina Piolo Pascual at Derek Ramsay.
Pero ang sabi naman ni Mrs. Ryan Agoncillo kung walang talent ang isang artista, kahit na anong push mo ay hindi sisikat o makikilala, kaya hindi niya kini-claim ang credit kay Piolo at sa iba pang artistang nakasama na niya.
At dito nga sa Habang May Buhay tingnan natin kung umubra pa rin ang powers ni Juday sa dalawang bagong leading men niya – sina Joem Bascon at Will Devaughn. Pero kung ang dalawang aktor ang tatanungin, ang makasama lang daw si Juday sa isang project ay isang malaking achievement na sa kanila.
Say naman ni Juday kina Derek, Will at Joem, "In fairness sa kanilang tatlo, nakikitaan ko talaga sila na mahusay, na may potensiyal pagdating sa pag-arte. Ito yung mga taong hindi mo kakikitaan ng reklamo pagdating sa eksena. Napaka-professional nila. Hindi nila nilalaro yung pag-aartista nila, isinasapuso nila.
“At natutuwa ako na nakasama ko sila, na naging parte ako ng pag-aartista nila. So sana, wish kong magtuluy-tuloy sila kasi konting-konti na lang yung mga bagong artistang dumarating na isinasapuso ang pag-aartista," paliwanag ni Juday.
Samantala, kahit na tatlo ang leading man ng aktres sa Habang May Buhay ay wala siyang intimate scenes, ayaw na lang siguro ni Juday na magkaroon sila ng problema ni Ryan Agoncillo.
"Kami naman ni Ryan, pagdating naman sa trabaho, hindi na namin kailangang magpaalam sa isa't isa, basta ako, alam ko kung hanggang saan ang limitasyon ko bilang asawa. At alam din niya ang limitasyon niya bilang asawa at aktor. Aktor naman siya at naiintindihan niya 'yan.
"So ako naman, may mga ginawa lang akong restrictions sa sarili ko kasi ayoko namang mapanood din ng anak ko 'yan na isang five-year-old na babae, at hindi ko alam kung paano ko ie-explain. Ngayon, ginagawa ko lang yung trabaho ko at gusto ko lang ding ipakita sa mga manonood na maitatawid ko ang kahit na anong proyekto na kaya kong gawin, na hindi ko kailangang makipaghalikan," sabi pa ni Juday.
Nasa Cagayan de Oro ngayong araw si Ai Ai delas Alas kasama ang kapwa jurors ng Pilipinas Got Talent na sina Freddie Garcia at Kris Aquino para sa weekly audition nila.
Ayon kay Ms. A, talaga raw naaliw siya sa mga nag-audition. "Siguro nasa 90 plus lahat ng nag-audition at nakakatuwa dahil ang daming magagaling. Medyo mabait ako, hindi naman ako todo okray, kung baga tama lang. Si Kris, mabait din siya kasi hindi siya puwedeng mang-okray to the max kasi baka makaapekto sa kandidatura ni Sen. Noynoy Aquino," sabi ng TV host-comedienne.
Samantala, bukod sa Pilipinas Got Talent ay nakatakdang gawin ng komedyana ang isang TV project with Aga Muhlach. Pero hindi pa raw nila ito nasisimulan. "Depende pa sa sked, wala pa, magmi-meeting pa lang kami," saad ni Ai Ai.
At sa darating na Valentine’s Day naman ay haharanahin ni Ai Ai ang mga magsing-irog sa kanyang show na "Ai Am Your Valentine" sa Feb. 14 na gaganapin sa Tent City, Manila Hotel kasama sina Janno Gibbs, Rufa Mae Quinto, Mark Bautista at Pilita Corrales. This is produced by DR Production kasama ang PAGCOR at PCSO.
As of now ay hindi na muna iniisip ng Comedy Concert Queen ang lovelife dahil mas dapat daw niyang pagtuunan ng pansin ang career niya, "Ang dami ko talagang dapat ipagpasalamat sa Diyos. Hindi Niya ako pinababayaan. Kaya naman gusto ko ring i-share ang mga blessings ko sa ibang tao,” sabi ni Ms. A.
Mukhang hindi naging maganda ang gimik ni Sen. Loren Legarda na kumakandidato bilang Bise-Presidente, dahil ginamit daw niya ang ABS? Nakatanggap kami ng e-mail na bumabatikos sa senadora.
"Lahat na ng mga kakandidato ngayon ay nagpupumilit gumawa ng paraan para mabigyan ng exposures sa anumang media outlet. Mas pini-pili ng mga magugulang ang TV dahil mas malawak ang sakop nitong mileage. Kung libre ba naman, bakit hindi sasamantalahin di ba?
"Pero hindi pala sa lahat ng pagkakataon ay maganda ng exposure na ganito. Iba kasi ang nangyari kay Sen. Loren Legarda sa kanyang wala sa lugar na pagpasok sa Bahay ni Kuya. Batikos at panlalait lang ang napala niya dahil napanood kung ano ang motibo ng kanyang pagpasok sa PBB house.
"May mga tumawag sa kanya na plastic, chikadora, echoserang palaka at kung anu-ano pa. Ginamit lang daw ni Sen. Loren ang ABS-CBN at ang PBB."
Ano kayang masasabi ni Sen. Loren dito?