5 kawal patay sa engkwentro
Ni John Roson
LIMANG sundalo ang nasawi habang isa pa ang nasugatan nang magsagupa ang mga tropa ng pamahalaan at New People's Army (NPA) nitong nakalipas na dalawang araw sa Mountain Province.
Naganap ang unang sagupaan pasado alas-10 ng umaga Miyerkules sa Mt. Bato, Brgy. Mainit, Bontoc, ayon kay Col. Remegio de Vera, commander ng Army 501st Brigade.
Tumagal aniya nang halos 30 minuto ang bakbakan sa pagitan ng Alpha Company ng 54th Infantry Battalion at himigit-kumulang 20 rebeldeng pinamumunuan ng isang Ka Ronnie/Dandan.
Ang mga nasawi sa bakbakan ay nakilala bilang sina Pfc. Camilo Abad, Pfc. Casem Joseph, Pfc. Napoleon Ramirez, Pfc. Joey Corpus, at Pfc. Velasco Mayao habang yaong nasugatan ay nakilala bilang si Pvt. Salvador Villanueva.
Ayon naman kay Army spokesman Lt. Col. Arnulfo Burgos, nasa encounter site pa alas-9 kahapon ng umaga ang bangkay ng mga nasawi nang maganap ang isa na namang bakbakan.
"Nagkaengkuwentro uli two kilometers from the site (of the first encounter), 'yung Bravo Company naman," ani Burgos, sabay dagdag na ang panibagong sagupaan ay maaring resulta ng pagtugis ng militar sa mga rebeldeng umatras sa unang labanan.