Dekwat tiklo
KALABOSO ang 19-anyos na babae na umano'y nandekwat ng pampaganda sa department store ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth ave., Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon sa pulisya, kinasuhan ng theft si Camille Mones sa Batasan Police Station. Ibinulsa umano ng suspek ang face powder at eyeliner na nagkakahalaga ng P180 saka lumabas nang di ito binabayaran. Hinarang ng mga guwardiya ang suspek. —Leifbilly Begas
Snatcher naglaho
NAWALAN ng cellphone ang 19-anyos na babae nang hablutin ito ng lalaking nakatayo sa labas ng sinasakyan niyang pampasaherong jeepney sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Donna Morales, ng Lapu-lapu st., Barangay Batasan Hills. Huminto ang jeepney na sinasakyan ng biktima pagsapit sa ta-pat ng Puregold Price Club sa kanto ng Luzon at Commonwealth. Bigla na lamang hinablot ng di kilalang suspek ang cellphone na tangan ng biktima. Naglakad sa kumpol ng mga tao ang suspek at naglaho. —Leifbilly Begas
Bangkay sa ilog
LUMUTANG sa Tullahan River ang naaagnas na bangkay ng di kilalang lalaki sa Malabon.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na may taas na 5’6”, nakasuot ng itim na t-shirt na may tatak na Tau Gamma Phi, itim na pants at itim na sapatos. Lumutang ang bangkay sa bahagi ng Dulong Gulayan, Catmon. Inaalam pa ng mga pulis ang dahilan ng pagkamatay ng biktima. Dinala ang bangkay sa Nate Funeral Homes. —Rodrigo Manahan
Kumasa, pinatay
NAMATAY ang babaeng vendor na kinakasama ng tabloid reporter nang barilin sa mukha makaraang lumaban sa mga holdaper kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni PO3 Rommel del Rosario, ng Manila Police District homicide section, ang biktima na si Rosalyn Tiongson, 47, fruit vendor, ng G. Velasquez st., Tondo. Ang biktima, na ka-live in ni Ricky Romero ng Toro, ay namatay habang gina-gamot sa Mary Johnston Hospital sanhi ng tama ng bala sa mukha, na tumagos sa batok. Tumakas ang mga di kilalang suspek sakay ng motorsiklo. Nabatid na nagtungo ang biktima at ilang kaibigan alas-10:30 ng gabi sa bodega sa kanto ng Juan Luna at Morga para sunduin ang isang helper. Pagbaba ng pedicab ay nilapitan ng isa sa mga suspek ang biktima at nagdeklara ng holdap. Kukunin na ng suspek ang bag ng biktima nang lumaban ito. Binaril ng isa sa mga suspek ang biktima. Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek. —Marvin Balute